“Ang ating pagiral at buhay ay palaging nakahulma sa pagibig sapagkat tayo ay nilikha ng Diyos na bukal ng Pagibig.” -Sem.Ken Philip M. Gagatiga
Oktubre 31, 2021 Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon.
Pagibig: Dakila sa lahat ng Batas
Sa ebanghelyo natin ngayon, matatagpuan natin ang katanungan kung ano nga ba ang pinakamahalagang batas. Marahil kung sa atin itinanong ang tanong na ito ay baka magisip pa tayo ng ibang mga kilalang batas. Dahil sa tayo ay tao normal sa atin na palaging piliin ang bagay na mas kinikilala at tinitingala ng marami.
Kung tutuusin sa ating pagiisip bilang tao ay hindi kaagad natin maiisip ang kasagutan ni Hesus sa ngayon. Hindi marahil natin isasagot ang batas ng pagibig dahil sa kasalukuyan ito ay mukhang hindi na napapanahon o "trending". Ngunit tayo ay hinahamon ng Diyos na makita ang kadakilaan ng pagmamahal. Tulad ni Hesus ay pinakita Niya sa ebanghelyo ang Batas ng Pagibig sa Diyos at tao. Higit sa ano pa mang umiiral na batas ng tao ay ito ang pinakamahalaga.
Sana sa ating buhay Kristiyano ito rin ang ating panghawakan. Matutunan natin na ang tayo bilang mga tao ay palaging nakaugat sa pagibig. Ang ating pagiral at buhay ay palaging nakahulma sa pagibig sapagkat tayo ay nilikha ng Diyos na bukal ng Pagibig. Sa ating mga kilos at gawain sa buhay ay maging repleksyon tayo ng pagibig ng Diyos. Ang maglingkod ng may pagmamahal. Ang maging mabutinh tagasunod ni Kristo na nakaangkla sa pagibig at higit sa lahat. Gawin lahat ng bagay ng may pagmamahal.
Sa pagtatapos ng araw, ang Diyos ay kailanman ay hindi napagod magmahal. Tayo din sana. Sa kabila ng mga pangyayari sa mundo na para bang wala nang lugar ang pagibig. Nawa ay manatili pa rin tayo sa pagmamahal kahit iilan ang nagsasabuhay. Kahit hindi sikat, kahit hindi kinikilala, manatili sa pagmamahal.
Коментари