"Tayong lahat ay pinaghaharian ng Diyos na bukal ng pagmamahal at kabutihan."
-Sem. Marc Angelo Montalbo
Nobyembre 21, 2021 Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan
Christus Vivit
Sa ating paggunita kay Kristong Hari, tayo ay binibigyang hamon na paghariin si Kristo sa ating buhay. Ngunit ang paghahari ni Hesus ay kaiba sa paghahari na iniisip natin bilang tao. Tulad nga ng Kaniyang pinupunto sa Ebanghelyo ang Kaniyang kaharian ay hindi mundong ito. Ang paghahari ni Kristong Hari ay hindi lamang nagpapatungkol sa makamundong paghahari ngunit sa paghahari na palaging nakaugat sa kabutihan at pagmamahal.
Sa ating buhay Katoliko at pagiging seminarista, marami tayong mga nais gawin at makamtan sa buhay na ito. Kadalasan ay palagi natin gusto gawin mga bagay na sa isang banda ay makakapagpaginhawa at makakapagpasaya sa atin. Sa madaling sabi nga nakakabit tayo sa ideya na "We are the lord of our actions". Minsan naiikabit natin sa ating mga sarili na tayo ay mga " hari ng ating mga kilos at pagpili". Pero naiitanong ba natin sa ating sarili kung nagagawa nating magpasakop sa paghahari ni Kristo?
Hindi tayo ang hari ng buhay na ito. Sa katotohanan ay tayo ay mga aliping kinaawaan lamang ng Diyos. Bagama't gayon ang estado ay hindi minarapat ng Diyos na manatili tayo sa ganoong katayuan. Ang Diyos sapagkat hari ay minarapat na itaas ang ating pagkatao sa estado na mga anak Niya. Tayong lahat ay pinaghaharian ng Diyos na bukal ng pagmamahal at kabutihan.
Nawa ang ating mga gagawin ay palaging bunga ng kabutihan at pagmamahal. Himdi sana maghari sa atin ang pansariling kagustuhan at interes. Sa pagtatapos ng araw ay ito ang tungkulin natin; masalamin sa ating mga pagpili ang pagmamahal at kabutihan na unang ipinamalas ng ating Hari, Si Kristo.
Comments